Monday, August 26, 2013

Bayan, Bayani, Bayanihan

Ngayon ay Araw ng mga Bayani, at patuloy pa ring ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika - parehong tanda ng ating pagka-Pilipino. Hindi siguro kasing dalas iniuugnay ang Araw ng mga Bayani sa pagka-Pilipino, lalo na ngayong bukambibig na ng mga Pilipino mismo ang lahat ng baho ng ating lahi. Kung pagagawan ko kayo ng listahan ngayon ng mga katangian ng mga Pilipino, malamang ay mas maraming lilitaw na mga masasama kaysa mabubuting mga salita. Hindi naman sa sinasabi kong may mali sa iyo. Marahil, ito ay nagpapakita ng mas malawakang problema sa ating pananaw sa sarili natin bilang Pilipino. Saan nga ba nagmumula ang mga pananaw na ito?


Kung titignan natin ang ating kasaysayan, at ang paraan ng pagturo nito sa mga paaralan, hinahati ito sa mga panahon na sumailalim tayo sa kapangyarihang panlabas o ng diktador. Sa mga kamay ng mga dayuhan at ng diktador, nagmumula sa iba ang paningin natin sa Pilipino. Iilang taon pa lamang tayo maituturing tunay na demokrasya na may kalayaang hubugin ang ating sariling mga pananaw at paninindigan tungkol sa ating bansa. At sa maiksing panahong ito, karamihan ng mga nakikita natin ay pangungurakot ng may kapangyarihan, at pagbabalewala sa pangangailangan ng mas nangangailangan. Dahil ito ang nangyayari sa taas, ito rin ang pinaka matingkad na nakikita natin, kung kaya't inaangkin na natin ito bilang katangiang Pilipino. Oo, nangyayari rin ang mga yan sa pang araw-araw na mga sitwasyon ng mga pangkaraniwang tao, pero hindi lang naman ito sa bansa natin nangyayari. Kahit saan ay makakakita ka rin ng mga taong hindi kanais-nais ang ginagawa. Hindi lang nila inaangkin ito bilang katangiang likas sa kanilang kultura.

Sa halip ng mga makasariling katangiang ito, bakit nga ba hindi natin ibalik at angkinin ang kalakasan ng loob na ipinakita ng ating mga bayani? Kapag isinalin ang salitang bayani sa Ingles, ang makukuha natin ay ang salitang hero. Ngunit kung titignan natin ang pinagmulan ng salitang ito mula sa ating wika, agad na mapapansin na ang ugat nito ay ang salitang bayan. Nakatali ang pagiging bayani sa pag-uuna sa bayan bago ang sarili. May iba't ibang gamit din ang salitang bayan - maaaring ang tinutukoy nito ay ang bansang pinaroroonan, ngunit posible rin itong isalin bilang mas maliit na town. Aliman sa dalawa ang tinutukoy, makikita na ang bayan ay mas malawak sa sarili at sa mga taong malapit sa atin. At dito makikita kung ano ang kahulugan ng pagiging bayani - ang pagsagot sa pangangailangan ng nakararami nang walang kapalit.


Hindi man ito matingkad ngayon sa ating lipunan, may mga bahid din ng kabayanihang nakikita sa ating paligid. Sa nakaraang bagyo, nakita ang bayanihan upang matulungan ang mga nasalanta. Sa kasalukuyan, may libu-libong taong nasa Luneta at iba pang mga lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa upang magprotesta sa mga taong mga inuna ang sarili kaysa sa bayan, kahit ang kauna-unahan nilang tungkulin dapat ay ang pagliligkod sa bayan. Sa araw-araw din ay may mga bayani sa ating paligid na hindi natin napapansin. Nawa'y mapasalamatan din natin sila para sa kanilang kabayanihan, at sikapin din nating maging bayani para sa iba sa sarili nating paraan.

No comments:

Post a Comment